NAITAAS NI LENI ROBREDO ANG PAMANTAYAN NG TALAKAYANG PAMPOLITIKA

Translated into the Filipino language by Abdon “Jun” Balde

Naitaas ng Pangalawang Pangulong Leni Robredo ang pamantayan sa pampolitikang talakayan sa ating bansa. Ito’y napatunayan sa katotoohan ng kaniyang talumpati, sa Wikang Filipino, nang ipaalam niya na siya ay sasabak sa pagtakbo sa panguluhan sa halalan sa 2022. Pinanood ko ito sa You Tube upang puwede kung ulit-uliting panoorin ang mga bahaging nakakapukaw-damdamin. Bagaman narinig ko na siyang nagsalita sa maraming okasyon noon, ngayon, nadama kong ang itinatago niyang kakayahan at lakas ay handa nang umalpas tungo sa tapat, mahusay at makataong pamamahala.

Palaging nakakapanumbalik ng tiwala’t sigla ang pakikinig kay Leni Robredo. Pangalawang Pangulo siyang binalewala ng Pangulong may kabastusan, ngunit hindi nawalan ng kagandahang-aral at ugali.

Kung saan-saan siya nakipagpulong sa iba’t ibang personalidad sa larangan ng politika. Parang nakikipagsayaw sa mga halimaw. Nag alok siyang tumiwalag o sumanib kung kailangan. Nasiyahan ang mga tiwali; ang iba’y nag-alok ng mataas na posisyon sa gobyerno sakaling manalo. Kinailangan niyang linawin na ang pakikipag-ugnayan niya’y hindi upang umamot ng rekomendasyon o katungkulan; hindi siya nakikipagtransaksiyon. Ang pakay niya’y pagkakaisa sa prinsipyo upang maging malinaw ang landas na tatahakin ng bansa. Siya lamang, walang ibang politiko ngayon, sa aking alaala, ang gumagawa ng ganyan. Makabuluhan sa lahat ng kandidato, lalo na sa mga tumatakbo sa mataas na posisyon, na magkaisa sa prinsiplyo at sa landas sa kinabukasan. Halimbawa, kailangang magkasundo kung paano labanan ang pananalasa ng Covid. Ayon sa kaniya, “Pinipilahan ang mga ospital, dumadaing ang mga health workers, at nagugutom ang mga nawalan ng trabaho. Samantala, bilyon-bilyong piso ang inilagay sa mga kuwestiyonableng kontrata habang milyon-milyong Pilipino ang naghihikahos.”

Sinabi ni Leni na kailangan nang iwaksi “yung korupsiyon, ’yung incompetence, ’yung kawalan ng malasakit, kailangang palitan ng matino at mahusay na pamumuno. Handa dapat tayong iwaksi nang buong-buo ang mga agenda, ang mga interes, ang mismong mga tao at klase ng pulitika na sanhi ng pinagdaraanan ng bansa natin ngayon. Kung hindi ka lilinya nang malinaw, kung makikipagkompromiso ka, kung hindi mo man lang kayang sabihin na mali ang mali – nakaninong panig ka ba talaga?…Iba-iba man ang konteksto natin, pamilyar sa ating lahat ang pakiramdam ng pagiging nasa laylayan; ang paghahanap ng makakapitan, ’yung handa kang kumatok sa kahit saang pintuan, ’yung halos isigaw mo sa kahit sinong makakarinig: Tulong.”

Pagkatapos ay inihalintulad ni Leni ang paghihirap ng mga Filipino sa maybahay na inaabuso, upang linawin ang nangyayari sa ngayon: “Naaalala ko nga ’yung maraming kaso ng domestic abuse na hinawakan ko noong nag-aabogado pa ako. Kung paanong tiniis ng mga kliyente ko ang pang-aabuso at pananakit ng asawa nila. Kapag tinanong mo kung bakit, iisa ang sagot: Alang-alang sa mga anak nila.” Pagkatapos ay ipinaliwanag ni Leni na ito’y hindi magandang kaisipan, dahil “mamanahin lang ng mga anak nila ang pagdurusa.” Sa katagalan, “kapag nahanap nila ang tapang na mag-empake, bitbitin ang mga bata, at gawin ang unang hakbang papalabas ng pinto nila… Ina akong nakikita ang pagdurusa ng minamahal kong bansa. Naniniwala ako: Ang pag-ibig, nasusukat hindi lang sa pagtitiis, kundi sa kahandaang lumaban, kahit gaano kahirap, para matapos na ang pagtitiis. Ang nagmamahal, kailangang ipaglaban ang minamahal… Buong-buo ang loob ko ngayon: Kailangan nating palayain ang sarili mula sa kasalukuyang sitwasyon. Lalaban ako; lalaban tayo.” Dagdag pa niya, “Nasa kanila ang pera, makinarya, isang buong estrukturang kayang magpalaganap ng anumang kuwentong gusto nilang palabasin. Pero hindi kayang tabunan ng kahit na anong ingay ang katotohanan”

Ayon sa kaniya, “kung gusto nating tunay na makalaya sa ganitong sitwasyon, hindi lang apelyido ng mga nasa poder ’yung dapat palitan… Kung parehong uri ng pamamahala at pareho ang pagkatao ng mga magwawagi sa araw ng halalan, wala tayong aasahang pagbabago… Dito tayo poposisyon. ’Yung pagod, ’yung pakiramdam na parang wala kang kalaban-laban, na parang nagawa mo na ang lahat pero kulang pa rin, ’yung pagnanasang makaraos ng taumbayan, bibigyan natin ng bago at positibong anyo. Gagawin natin itong paninindigan, gagawin nating enerhiya. Tatalunin natin ang luma at bulok na klase ng pulitika. Ibabalik natin sa kamay ng karaniwang Pilipino ang kakayahang magdala ng pagbabago… Tumindig kayo; tinitiyak ko, mayroon ding titindig sa tabi ninyo.” Ipinaalala niya na sa kabila ng mga hadlang, “sa maliit na tanggapan pa lang natin dito sa Office of the Vice President, napakarami na nating nagawa para makatulong”, mga programa upang maiahon ang mga Filipinong nasa laylayan ng lipunan.

May maikling panayam pagkatapos ng talumpati at may nagtanong kung ano ang pinag-usapan ni VP Leni at ng Meyor ng Maynila na si Isko Moreno. Paumanhin niya, bilang respeto, ay hindi niya maaaring isapubliko ang detalye ng mga pakikipagpulong sa iba’t ibang personalidad. Ako mismo ay nagulat sa magaspang na pananalita ng Meyor ng Maynila. Kinutya niya ang panukala ni VP Leni ng pagkakaisa, hindi upang magkaisa lamang, kundi para sa kabutihan ng lahat. Ang patutsada ng Meyor, ““Kung kayang mong iwan ang mga kasama mo (sa partido), paano pa kaya kaming 110 million Filipinos?” Hindi naintindihan ng batang Meyor ang panukala ni Leni.

Hindi pinapayagang dumalo si VP Leni sa mga Cabinet meeting. Isinadlak siya sa isang tabi. Ngunit nang ipahayag niya ang katatagang-loob na lumaban sa pagkapangulo ng Filipinas, si VP Leni ay biglang nakaakyat sa gitnang tanghalan at nagpapatuloy na itinataas ang pamantayan sa maayos na talakayang pampolitika.

 

( ggc1898@gmail.com)