Itinataas ni Leni Robredo ang Pamantayan

(Ang orihinal ay nasa wikang Ingles na sinulat ni Gemma Cruz Araneta)
Translated into the Filipino language by Dante A. Ornedo.

Naitaas ni Vice President Leni Robredo ang pamantayan ng talakayang pampulitika sa ating bansa. Kapuna-puna ito sa talas ng kanyang talumpati nang inanunsyo nya ang kanyang pagsabak sa 2022 elections sa pagkapangulo. Pinanood ko ito sa YouTube para mabalik-balikan ko ang mga bahagi ng kanyang talumpating hitik sa inspirasyon. Bagaman narinig ko na  si VP Leni sa mga nakaraan nyang talumpati, ang naramdaman  ko ngayon ay handa nang lumundag ang  nakayukyok nyang tigre tungo sa  matapat, matalino at may kakayahang pamamuno sa bayan at pagpapahalaga sa  mamamayan.

Panatag at maginhawang  kalooban ang dulot ng pakikinig kay Leni Robredo. Narito ang isang VP, na kahit  walang pakundangan na pinawalang-halaga  ng punong ehekutibo, ay nagpamalas ng wastong modo at nanatiling kalmado.

Nakipagpulong si Leni sa iba’t-ibang uri ng personalidad sa larangan ng  pulitika. Ang pakiramdam siguro niyon ay tulad ng  pakikisalimuha sa mga hayok na lobo. Nag-alok siya na  magbibigay-daan sa kanila at  tumulong na lang. Nabunutan ng tinik ang mga mangungurakot. Inalok naman sya ng iba ng matataas na posisyon sa gobyerno  kung sila ay mananalo. Ipinaliwanag ni VP Leni na ang pag-uusap nila ay hindi tungkol sa posisyon; hindi ito transaksyon. Ang  hangarin niya ay magtatag ng iisang layunin upang ang bansa ay may susunding malinaw na direksyon. Walang ibang pulitiko nitong kamakailan lamang ang nakagawa nito. Makatwiran lang na ang lahat ng kakandidato, lalo na ang mga naghahangad ng mas mataas na posisyon, ay magkaisa sa mga pangunahing prinsipyo, at sumang-ayon sa “landas  sa kinabukasan.” Halimbawa, ang lahat ay dapat magkasundo na lubhang kailangang mabawasan ang mga pinsalang dulot ng Covid sa mga health workers, mga ospital, sa milyun-milyong Filipinong nagugutom at walang trabaho, “habang milyun-milyong piso naman ang nilalagay sa mga kaduda-dudang kontrata .”

Sinabi ni VP Leni na iwaksi na natin nang tuluyan ang korapsyon, ang kawalan ng  kakayahan sa pamahalaan, ang kawalan ng malasakit, mga personal na interes at lihim na motibo. Alisin ang “mga tao at uri ng pulitiko” na siyang sanhi ng ating pagdurusa ngayon. Dagdag pa niya, “Kung hindi ka lilinya ng malinaw, kung  nakikipagkompromiso ka, kung hindi mo kayang sabihin na ang mali ay mali, nakaninong panig ka ba talaga? Kahit galing pa tayo sa magkakaibang sitwasyon sa buhay, pamilyar sa atin ang pakiramdam ng nasa laylayan ng lipunan. Desperadong humihingi sila ng tulong, kumakatok sa ating pintuan.”

Pagkatapos ay inihalintulad ni VP Leni ang kalagayan ng Filipino sa “battered wife syndrome,” na nagsilbing mas malinaw na larawan ng totoong  nagaganap. Noong siya’y naglilingkod pa bilang abugado sa kanilang lalawigan, ang karamihan sa kanyang mga kliyente ay mga  biktima ng “domestic violence,” o karahasan sa tahanan. Tuwing tinatanong kung bakit tinitiis nila ang pagmamalupit ng kanilang asawa o kinakasama, ang lagi nilang sagot ay para raw sa kapakanan  ng kanilang mga anak. Ipaliliwanag naman ni Leni  na masamang ideya ang magtiis sapagkat mamanahin lang ng kanilang mga anak ang kanilang pagdurusa. Sa huli, marami sa mga babaeng biktima ang nakaipon ng tapang na mag alsa-balutan at iwan ang kanilang mga abusadong  asawa o kinakasama, bitbit ang kanilang mga anak. “Ang pag-ibig ay hindi nasusukat sa pagtitiis, kundi sa kahandaang  lumaban para mawakasan na ang pagtitiis ng mga minamahal,” pagpapatibay ni Leni. “Kailangang palayain natin ang ating mga sarili mula sa kasalukuyang sitwasyon. Lalaban ako!” pahayag ni Leni. “Sama-sama tayong lalaban! …Oo nga’t nasa kanila ang pera, poder, at istruktura na may kakayahang kumatha ng mga pekeng kuwento, ngunit ang katotohanan ay hindi  kayang tabunan ng kanilang ingay.”

“Walang kinalaman ang pagpalit sa mga nakapuwesto sa pamahalaan, kung parehong uri din ng tao at sistema ang mananalo sa 2022, hindi tayo makaaasa ng pagbabago. Kailangang talunin natin ang luma at bulok na uri ng pulitika at ibalik natin sa kamay ng karaniwang Filipino ang kakayahang magdala ng pagbabago. Gisingin ang natutulog pang lakas. Tumindig ka at tinitiyak ko, meron ding titindig sa tabi mo…” Pinaalala nya sa ating lahat na, sa kabila ng mga balakid na iniharang ng kasulukuyang pamahalaan sa kanyang daraanan, ang tanggapan ng Vice President ay nakapagpatupad ng napakaraming proyekto,  maitaas lang ang kalagayan ng mahihirap na Filipino.

May maikling press conference pagkatapos ng talumpati, at may nagtanong kung ano ang pinag-usapan nila VP Leni at Manila Mayor Isko Moreno. Tumanggi siya; dahil sa respeto, hindi niya ibubunyag ang mga detalye ng mga pagpupulong niya “sa iba’t ibang personalidad.” Labis akong nabigla sa magaspang na pananalita ng Mayor ng Maynila. Kinutya nya ang panukala ni VP Leni na pag-isahin hindi alang-alang sa pagkakaisa kundi para sa kabutihang  panlahat. Tumugon si Mayor, “Sino siya para magsalita ng pagkakaisa gayung hindi niya mapag-isa ang partido nya?” Hindi naiintindihan ng taong ito ang punto.

Si VP Leni ay pinagbawalang dumalo sa mga pagpupulong sa Gabinete. Initsapuwera siya at binigyan ng tungkuling halos walang halaga. Ngunit nang inanunsyo niya ang kanyang pasyáng lumaban at tumakbo bilang  Pangulo ng Pilipinas ay agad sinakop ni VP Leni ang gitnang entablado, kung saan itutuloy niyang itaas ang pamantayan ng  talakayang pampulitika.

 

ggc1898@gmail.com)